Kinumpirma ng Ministry of Health ng Singapore na kabilang ang isang Pilipina sa apat na panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang bansa.
Sa pahayag ng kagawaran, isinugod sa isolation room ng Ng Teng Fong General Hospital ang 41-anyos na Pinay matapos makumpirmang kinapitan ito ng virus nitong Sabado ng umaga.
Ang nasabing overseas Filipino worker (OFW) ay nagtatrabaho para sa isang 61-anyos na Singaporean na kumpirmado ring dinapuan ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, patuloy ang contact tracing sa mga kumpirmadong kaso.
Batay sa pinakahuling datos, 30 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 ang nananatili pa rin ngayon sa mga pagamutan.
Mula naman sa 102 kumpirmadong kaso sa Singapore, 72 rito ang nakalabas na sa ospital.