-- Advertisements --

Kalibo, Aklan – Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang 42-anyos na empleyada ng Development Bank of the Philippines (DBP-Aklan) matapos na barilin nang malapitan habang naka-upo sa kanyang service na tricycle dakong alas-8:00 kaninang umaga sa Sitio Looban, Barangay Camanci, Norte, Numancia, Aklan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naka-upo sa tricycle ang biktimang si Jonalyn Arcenio Maribojo, alyas Becha, 42, residente ng naturang lugar, habang naghihintay sa pagbalik ng driver na pumunta sa mga nagtitinda ng isda nang lapitan ng sinasabing riding-in-tandem.

Nakarinig ng tatlong putok ng baril ang mga residente sa lugar.

Matapos maisagawa ang krimen, mabilis umanong tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo, kung saan sinasabing nag-warning shot pa ito ng dalawang beses.

Inabandona ng mga gunmen ang motorsiklo sa unahan at sinasabing sumakay ng van na nagsilbing get-away vehicle.

Blangko pa ang pamilya ng biktima sa motibo ng pamamaril dahil wala naman umano silang alam kung may nakaaway ito o may natanggap na banta sa kanyang buhay.

Subalit sinasabing hiwalay ang biktima sa asawang si Numancia Sangguniang Bayan member Jocel Maribojo at pinagbawalan ng korte na makalapit sa kanyang misis at dalawang anak.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.