-- Advertisements --

Inaresto ng kapulisan ang 42 anyos na lalaking nasa likod ng bomb joke habang idinaraos ang misa sa loob ng Quaipo church nitong umaga ng biyernes.

Natukoy ng Philippine National Police ang naturang indibidwal na si Dennis garcia Espejo na nag-joke na may bomba sa loob ng iconic na simbahan sa Maynila. Tinukoy din ng mga awtoridad ang 38 anyos na lalaki na si Michael Tamayo Culibang na nakasaksi sa insidente.

Ayon sa PNP, inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Presidential decree 1727 at nakatakdang sampahan ng formal complaints.

Sa ilalim ng naturang PD, idineklarang labag sa batas ang malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay sa bomba, explosives o anumang kahalintulad na bagay.

Kung saan sa ilalim ng batas, ang mga lalabag ay papatawan ng parusang hindi hihigit sa 5 taong pagkakakulong at multang hanggang P40,000 salig sa discretion ng korte.

Una rito, nangyari ang insidente ilang araw bago ang tradisyunal na Traslacion na idaraos sa Enero 9 para sa kapiyestahan ni Poong Hesus Nazareno sa Quiapo church.