Naka-full force na ang lahat ng mga empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong weekend hanggang sa susunod na linggo.
Batay sa naging statement ng CAAP, ang 42 commercial airports sa ilalim nito ay nagdagdag na ng manpower upang tutulong at aasiste sa mga pasahero.
Maliban sa kahandaan para sa mga pasahero, tiniyak din ng CAAP na magbabantay ito para sa seguridad ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan, ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, naka-heightened alert ang buong ahensiya dahil pa rin sa mga natanggap na bomb jokes nitong mga nakalipas na buwan.
Batay sa requirement ng International Civil Aviation Organization, kailangang ma-screen ng maayos ang bagahe at iba pang kagamitan ng mga pasahero bago ang pagsakay sa mga pampasaherong sasakyang panghimpapawid.
Ayon kay Apolonio, tuloy-tuloy ang mahigpit nilang inspeksyon at screening upang matiyak ang seguridad ng mga paliparan, pasahero, at lahat ng mga empleyado.
Sa kasalukuyan, ipinapatupad ng CAAP ang ‘no leave’ policy sa mga empleyado nito, dahil pa rin sa pangangailangan ng mas maraming manpower.