Kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez na pumalo na sa 42 Maute-ISIS terrorists ang sumuko sa gobyerno.
Sinabi ni Galvez na noong una, nasa 10 lamang na Maute ang nagbalik-loob sa pamahalaan ngunit dumoble nang kausapin ang mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naniniwala si Galvez na dahil sa suportang ipinapakita ng mga local government officials at maganda ang resulta ng rehabilitasyon ng Marawi kaya mas pinili ng mga Maute members na magbalik loob na lamang sa gobyerno at magbagong buhay.
Samantala, hindi pa masabi ni Galvez kung si Abu Dar na ngayon ang tumatayong lider ng Maute-ISIS, dahil siya na lamang ang natitirang buhay sa 10 na nag plano ng Marawi siege.
“Abu Dar is the only remaining significant figure, all of the nine have been killed and neutralized already during the battle of Marawi,” pahayag ni Galvez.
Sa ngayon, pinalakas pa raw ng AFP ang kanilang intelligence monitoring para ma-neutralize si Abu Dar.
Hindi naman umano pabor si Galvez na tanggalin na ang umiiral na Martial Law sa Mindanao dahil aniya, malaki ang naitutulong nito sa kanilang operasyon laban sa mga teroristang Maute.