-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 42 ang katao ang nasawi at may mga missing pa sa matinding baha at lansdlide sa lalawigan ng Maguindanao del Norte dulot ng bagyong Paeng.

sinarimbo

Ito mismo ang kinumpirma ni Rapid Emergency Action on Disaster Incident (READI) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) head Atty. Naguib Sinarimbo as of 7:00 ngayong gabi.

Ang mga nasawi ay nagmula sa mga bayan ng Datu Blah Sinsuat, Upi at Datu Odin Sinsuat.

Karamihan sa mga napatay ay natabunan ng gumuhong lupa at pagragasa ng baha.

Una na ring inamin sa Bombo Radyo ni Atty Sinarimbo na nangangamba sila na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil may mga barangays ang hindi pa napapasok ng READI-BARMM rescue unit kabilang ang mga nawawala.

Sinabi pa ni Sinarimbo sa Bombo Radyo na 11 munisipyo ang apektado kabilang ang siyudad ng Cotabato kung saan 90 percent ng mga barangays sa siyudad ang lubog sa tubig baha.

Ang mga munisipyo naman na apektado ng flash flood ay ang Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Parang, Cotabato, Datu Odin Sinsuat, Datu Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan, Guinulungan at Matanog.

Iniulat din ng opisyal na kabilang sa isinasagawa ang search and retrieval operations ay sa Barangay Kusiong na umano’y “na-wash out” o natabunan ng tubig baha.

Ang Barangay Kusiong ay matatagpuan sa paanan ng Mount Minandar.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang search and retrieval operation ng READI-BARMM ay katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bawat bayan, gayudin kasama ang militar at pulisya sa mga lugar na binaha.