Hindi nakasabay ang 42 eskwelahan sa ginawang sabayang pagbubukas ng klase kahapon, Aug. 5, na unang itinalagang araw ng pagbubukas para sa mga eskwelahang naapektuhan ng malawakang pagbaha kamakailan.
Ang mga naturang eskwelahan na nabigong magsimula kahapon ay mula sa Malabon City na una nang nagsuspinde ng klase dahil sa muling pagtaas ng tubig-baha.
Maalalang sinabi ng Department of Education (DepEd) na mahigit 600 na eskwelahan ang nahuling magbukas ng klase dahil sa epekto ng malawakang pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Ang mga ito ay mula sa NCR, Region 1, Region 3, at Region 4-A.
Una nang iniulat ng DepEd na mayroong 454,082 mag-aaral na apektado sa naturang pagbaha: 241,334 sa NCR; 16,890 sa Region I; 195,858 sa Region III.
Hulyo-29 noong unang sinimulan ang pagbubukas ng klase para sa SY 2024-2025.
Mula noon, ayon kay Dennis Legaspi, media relations chief ni Education Secretary Sonny Angara, umabot na sa 47,818 eskwelahan ang nagawang magbukas, kasama na ang mga natuloy kahapon.
Ngayong school year, mayroong kabuuang 23,845,025 estudyante ang nakapag-enroll sa mga pampubliko, at pribadong eskwelahan mula elementarya hanggang senior high school at Alternative Learning System (ALS).