Bukod sa mga pulis ay magpapakalat din ang Philippine National Police ng mga police service dogs sa mga transportation terminal ngayong panahon ng Semana Santa, at Summer Vacation.
Sa gitna ito ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga susunod na linggo na sasamantalahin ang long weekend para makauwe sa kani-kanilang mga probinsya at magbakasyon.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, maliban pa sa mahigit 34,000 na kapulisan ay magpapakalat din ang Pambansang Pulisya ng kabuuang 427 na mga police service dogs para tumulong sa pagbabantay at pag i-inspeksyon sa mga bagahe ng mga biyaherong magtutungo sa mga transportation terminal.
Ito ay bilang paghahanda at pagtiyak na rin sa anumang uri ng banta na posibleng umusbong sa kasagsagan ng Semana Santa lalo na’t noong nakaraang buwan ng Pebrero ay sunud-sunod ang mga ulat ng bomb threat sa magkakahiwalay na lugar sa bansa.
Gayunpaman ay nilinaw ng opisyal na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin naman namomonitor na anumang seryosong banta ang kapulisan na may kaugnayan sa Semana Santa at Summer Vacation.
Kaugnay nito ay isinasapinal na rin aniya sa ngayon ng PNP ang kanilang ipapatupad na security and deployment plan para sa naturang okasyon, habang ngayong Linggo naman ay inaasahan din na magsasagawa ng interagency meeting ang kapulisan kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan para talakayin ang mga paghahanda para rito.
Matatandaan na una nang sinabi ni PCol. Fajardo na kasalukuyan nang nakataas sa heightened alert status ang buong hanay ng Pambansang Pulisya habang binigyan din aniya ng authority at discretion ng PNP ang lahat ng mga regional directors na magdesisyon kung kinakailangan bang mas itaas pa sa full alert level ang kani-kanilang mga nasasakupang lugar depend sa kanilang mga threat assessment.