ROXAS CITY – Patay ang isang 43-anyos na mister matapos na diumano barilin ng pulis sa Barangay Sagrada Familia, Dumarao, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Renato Pampag 43-anyos ng naturang lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Dumarao Police Station na mayroon ng dating alitan dahil sa lupa ang biktima at suspek na si Patrolman Mamerto Arellano.
Lumabas naman sa autopsy results ng biktima na nagtamo ito ng sugat sa ilang parte ng katawan dahil sa limang tama ng bala ng 9mm na baril.
Nabatid na habang naglalakad sa daan ang suspek kasama ang biyenan at pamangkin nito nang bigla na lamang sila tinambangan ng biktima.
Dahil dito, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawa kung saan sinubukan sana tagain ng biktima ang suspek subalit nakaiwas naman ito dahilan ng kanyang pagkatumba.
Sinubukan pa sana ni Pampag na tagain si Arellano ngunit mabilis naman itong bumunot ng baril at binaril ang biktima na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Napag-alaman na si Arellano ang aktibong miyembro ng Negros Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police sa Negros Occidental.