-- Advertisements --

Ipinahiwatig ni International Criminal Court (ICC) spokesman Fadi El Abdallah na hindi pa pinal ang apatnapu’t tatlong bilang ng kasong pagpatay laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag ng ICC official na ang naturang bilang ay pinili ng ICC judges bilang sample ng posibleng mga krimeng nagawa sa war on drugs ng dating Pangulo.

Hindi din aniya sinabi ng mga ICC judge na ito na ang pinal na bilang kayat posibleng buksan pa ang karagdagang request mula sa prosecutor-judges.

Saad pa nito na pinili ang naturang mga kaso bilang sample para sa pag-isyu ng arrest warrant at hindi bilang pinal na kaso.

Ginawa ng ICC official ang naturang paglilinaw matapos kwestyunin ni Vice President Sara Duterte ang inaakusang crimes against humanity laban sa kaniyang ama na si dating Pangulong Duterte, kung saan ipinunto nito na tanging 43 lamang ang bilang ng umano’y mga kasong pagpatay na iprinisenta sa ICC gayong iginigiit ng mga kritiko at human rights group na libu-libong indibidwal ang napatay sa war on drugs ng dating Pangulo.