-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na higit pa sa sapat ang 43 kaso ng extra-judicial killings para katawanin ang mga kaso sa trial o pag-uusig kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.

Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, kailangan lamang ng isang kaso para ma-convict ang dating Pangulo para sa crimes against humanity charges na kaniyang kinakaharap sa international tribunal.

Aniya, ang 43 kasong ito ay pinili dahil sa kalidad ng ebidensiya at sa kakayahan nilang ipakita ang isang sistematikong paglabag sa karapatang-pantao.

Ipinunto pa ng mambabatas na hindi lamang ito tungkol sa dami ng kaso kundi sa bigat at katotohanan ng bawat kaso.

Base din sa argumento ng ICC Prosecutor, iginiit ni Cong. Acidre na ang mga kaso ay pinili para makapag-establish ng “pattern of abuse” at hindi ikatawan ang lahat ng bilang ng mga biktima.

Paliwanag pa nito na ang lahat ng 43 kaso na pinili ng ICC at nagpapakita ng pattern ng malawakang police violence at pagkasawi ng mga sibilyan sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.

Kayat ipinunto ng mambabatas na misleading ang pagtuon lamang sa bilang ng mga kasong uusigin sa ICC at isang hayagang pagtatangkang maliitin ang reyalidad ng sistematikong mga pagpatay.