Binuksan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nasa 43 na pre-pandemic public utility vehicle routes.
Batay sa memorandum circular No. 2022-073, ang mga reopened routes ay para sa buses, traditional jeeps, modern jeeps, at utility vehicles sa ilalim ng Metro Manila Urban Transport Integration Study Update at Capacity Program (MUCEP).
Sa ngayon mula raw sa kabuuang mga ruta na 43, ang 20 rito ay para sa bus kung saan nasa 1,675 units ang papayagan na ring magbiyahe.
Nagpaliwanag naman ang LTFRB na ang pagbubukas ng naturang mga ruta ay pagtugon sa pangangailangan ng pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya at pangkabuhayan ng mga PUV drivers.
Nagpaalala rin naman ang LTFRB sa mga PUV operators at sa mga drivers na ang pagbabalik ng serbisyo ay dapat din na sundin ang mga polisiya na nakapaloob sa Certificates of Public Convenience dahil kung hindi ay posibleng patawan ang mga ito ng multa o mga penalties.
Ang naturang hakbang ng LTFRB ay sa gitna na rin ng simula na ngayong Oktubre ang implementasyon ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong mga sasakyan.