-- Advertisements --

Higit 40 matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang naghain ng resignation sa gitna ng mga alegasyong katiwalian sa loob ng tanggapan.

Ayon sa PhilHealth, tugon ito ng senior officials sa isang memorandum na inilabas ni President and CEO Atty. Dante Gierran noong September 30.

Sa daw ilalim ng nasabing memo, inatasan ni Gierran na mag-tender ng resignation ang lahat ng senior officers na sakop ng Salary Grade 26 pataas.

Ang 16 sa mga nagbitiw ay nagretiro sa kanilang mga pwesto, ang 27 naman ay naghain ng kani-kanilang courtesy resignation.

Mula sa kanila, 31 ang taga-central office, at 12 naman ang galing sa regional offices ng state-health insurer.

Magugunitang sinabi ng Malacanang noong nakaraang linggo na nanawagan si Gierran sa senior officials ng PhilHealth na magbitiw sa kanilang mga pwesto bilang bahagi ng reorganization ng tanggapan.

Pinalitan ni Gierran, na dating director ng National Bureau of Investigation, ang nagbitiw na President at CEO ng PhilHealth na si retired B/Gen. Ricardo Morales.

Kabilang si Morales sa mga pinakakasuhan dahil sa nadiskubreng iregularidad sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at iba pang issue sa loob ng ahensya. Dahilan para humirit si Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura na ang PhilHealth.