Umakyat na sa 44 katao ang napaulat na nasugatan matapos tumama ang malakas na magnitude 6.4 na lindol sa lalawigan ng Abra at sa ibang parte ng Northern Luzon.
Ayon sa latest report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 32 katao ang naitalang sugatan mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at 12 mula sa Ilocos region.
Sa kabutihang palad walang naitala na nasawi at nawawala dahil sa lindol.
Sa ngayon, nasa mahigit 18,000 pamilya o 61,514 indibdiwal mula sa mahigit 200 barangays sa Ilocos region at CAR ang apektado sa lindol.
Nasa 22 pamilya o 76 na indibidwal naman ang nasa evacuation center habang ang iba ay nanunuluyan pansamantala sa kanilang kamag-anak at kaibigan.
Mayroon namang mahigit 1,800 na kabahayan ang nasira sa Ilocos region, Cagayan Valley at sa CAR.
Umaabot naman na sa P57.7 million ang pinsala sa sektor ng imprastruktura sa Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera.