-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na hindi mawawala ang nasa 44 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility kasunod ng pagkakaantala ng pagdating ng alokasyon ng Pilipinas mula sa nasabing global initiative.

Magugunitang dapat darating sa bansa ang Pfizer vaccines mula sa COVAX facility sa kalagitnaan ng Pebrero pero naantala ng isang linggo dahil inaayos pa ng gobyerno ang indemnity agreement.

Sinabi ni Sec. Galvez, made-delay lamang ng isang linggo ang delivery at wala namang sinasabing hindi na matutuloy.

Ayon kay Sec. Galvez, ang nasabing delay din ay hindi kasalanan ng Pilipinas kundi dikta o mula ito sa panig ng manufacturer.

Matagal na raw nilang hinahanap ang indemnity clause pero naibigay lang ito noong nakaraang linggo.

Tatapusin daw ng mga abugado ng gobyerno ang indemnity agreement ngayong araw (Biyernes) para wala ng sagabal sa delivery ng mga bakuna.

“‘Yung tinatawag nating delay, it’s not coming from the Philippine government. We are only on the receiving end and we are finishing our documentation on time pero ‘yung tinatawag nating indemnification clause, matagal na naming hinahanap ‘yun, pero binigay lang this week,” ani Sec. Galvez.