CENTRAL MINDANAO – Nakapagtala ng 44 na sunog ang probinsiya ng Cotabato sa unang quarter ng taon 2019.
Umaabot rin sa P88 milyon ang danyos sa 44 na sunog sa loob ng tatlong buwan.
Ito mismo ang kinomperma ni Bureau of Fire and Protection-Cotabato (BFP-Cotabato) Fire Officer Samyr Mundas.
Ang pinakamalaking naitalang sunog ay ang Sugni Superstore sa bayan ng Kabacan nitong buwan ng Marso na nasa P70 million ang danyos.
Dagdag pa ni Mundas, ang bilang para sa unang quarter ng taon ay halos walang pinagkaiba sa parehong mga buwan noong taong 2018.
Tumataas rin ang kaso ng sunog lalo na sa panahon ng tagtuyot.
Nanawagan si Mundas sa mga residente sa probinsya na agad iparating sa kanilang tanggapan ang mga insidente ng sunog para agad maagapan at maapula ito.
May mga hakbang nang ginawa ang BFP-Cotabato para maibsan ang pagdami ng sunog tuwing tag-init.