Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang 44 na mga tauhan ng Southern Police District nang dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya matapos ang kanilang ikinasang raid sa isang condominium sa Parañaque City.
Ito nga ay matapos na ipag-utos ni National Capital Region Police Office chief PBGEN Jose Melencio Nartatez na alisin na sa puwesto ang naturang mga pulis batay na rin sa naging rekomendasyon ni NCRPO Regional Investigation and Detective Management Division chief Col. Noel Fermin.
May kaugnayan pa rin sa umano’y iregularidad sa pagsisilbi ng search warrant ng naturang mga pulis kung saan 11 Chinese nationals at isang Pinoy na naaresto ng kapulisan sa isang condo raid, kung saan nasagip ang ilan ding mga Chinese nationals at nakumpiska naman ang nasa Php4.6 million na halaga ng cash.
Nagreklamo kasi ang mga naarestong Chinese nationals na nawawala ang nasa Php27 million na halaga ng pera na nakatago umano sa isang vault.
Sinabi ni NCRPO spokesperson PLTCOL. Eunice Salas sa Bombo Radyo Philippines na sa ngayon, 27 sa naturang mga pulis ang nananatuli sa Regional Headquarters sa ilalim ng Regional Personnel Holding and Accounting Section, habang natitirang 17 naman ay kasalukuyang nasa SPD Personnel Holding and Accounting Section.
Aniya, ang mga ito ay isinasailalim na sa pre-charge investigation at nahaharap sa mga kasong grave irregularities in the performance of duty nang dahil pa rin sa umano’y “procedural lapses” na kinasasangkutan ng mga ito.
Paliwanag ng tagapagsalita, sa naturang imbestigasyon ay malalaman ang mga ispesikong kasong maaaring isampa laban sa mga sangkot na pulis na depende na rin sa magiging resulta ng isinagawang imbestigasyon.
Samantala, kaugnay nito ay inirekomenda rin ni COL Fermin ang pagsasampa ng grave neglect of duty, serious iregularity in the performance of duty at conduct unbecoming of a police officer laban sa lahat ng mga police officers na sangkot sa nasabing krimen.