MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa ring community transmission ng mas nakakahawang B.1.1.7 o UK variant ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng 44 nang bilang ng tinamaan ng naturang variant, matapos madagdagan ng 19 na kaso noong Biyernes.
“Wala pa tayong sapat na ebidensya para makapagsabi that we have already community transmission of this variant,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
“Yung ating samples that we get are still not at that level na masasabi natin na it can already provide us with that predictive factor.”
Paliwanag ni Usec. Vergeire, bagamat pinalawig na ng DOH ang pangongolekta ng positive samples para sa genome sequencing, hindi naman lahat ng rehiyon ay nakakapag-sumite ng kailangang specimen.
“Like for example nagkaroon tayo ng issue sa transport ng specimens from Visayas and Mindanao dahil there are different protocols that are being implemented by specific airlines na pwedeng magdala.”
Humingi na raw ng tulong ang Health department sa Office of the Civil Defense para mapadali ang biyahe ng samples mula sa malalayong lugar para sa genome sequencing.
Mula sa 19 na bagong kaso ng UK variant, tatlo ang mula Region 11; dalawang ang taga-Calabarzon; at walo ang returning overseas Filipinos.
Ang anim na iba pa ay mula naman sa iba’t-ibang lugar tulad ng Mountain Province, Pasay City, Cavite, Bukidnon, Las Pinas, at Rizal.
Ilan sa nasabing anim ang may travel history sa Metro Manila.