Na-detect ang nasa 45 Chinese aircraft malapit sa Taiwan hanggang nitong umaga ng Huwebes, Pebrero 27.
Sa isang statement, iniulat ng Taiwan Defense ministry na maliban sa mga Chinese aircraft, naispatan din ang 14 na barkong pandigma malapit sa isla.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng mga air at sea assets ng China na nadetect ng Taiwan ngayong taon.
Ang namataang bulto ng mga Chinese aircraft naman malapit sa self-ruled island ay isang araw matapos kondenahin ng Taiwan ang anunsiyo ng China na pagsasagawa ng live-fire drills 40 nautical miles malapit sa timog na bahagi ng isla.
Subalit ayon sa Taiwan officials, wala silang na-detect na anumang live-fire exercises sa itinalagang drill zone ng China malapit sa isla at walang anumang escalation ng military tensions.
Ayon naman sa 2 senior Taiwanese officials, ang hakbang ng China ay hawig ng iba pang military activity nito kamakailan sa rehiyon gaya ng sa disputed waters at sa may baybayin ng Australia kung saan hindi nagbibigay ng anumang abiso ang Chinese Navy sa kanilang isinasagawang pagsasanay.