Sinampahan ng kaso ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang nasa 45 na mga alkalde sa Office of the Ombudsman.
Ito’y dahil sa hindi pag-comply ng mga alkalde sa direktiba ng ahensiya na bumuo ng kanilang Anti-Illegal Drugs Abuse Council (ADAC) sa kanilang localities.
Ayon kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, nitong Huwebes ay nasa 25 mayor ang kanilang sinampahan ng kaso sa Ombudsman.
Una ng sinampahan ng kaso ang 20 alkalde noong March 14.
Sinabi ni Año, ilang beses nang binigyan ng babala ang nasabing mga alkalde pero hindi pa rin sumusunod sa kaniyang direktiba.
Nahaharap ngayon sa grave misconduct in office and gross dereliction of duty ang mga ito.
Giit ng kalihim, ang mga nasabing grounds ay maaaring masuspinde o mapatalsik sa puwesto ang mga alkalde batay sa Section 60 ng Local Government Code of 1991.