Sorpresa mula sa Diyos kung ituring ni Miriam Quiambao ang pahabol na blessing bago matapos ang tila masalimuot na taong 2020.
Ito’y dahil agad ibinigay sa kanilang mag-asawa ang ipinagdarasal pa lamang na isa pang “miracle baby.”
Sa kanyang vlog kasama ang asawang inspirational speaker na si Ardy Roberto, todo pasalamat ito dahil positibo ito hindi sa coronavirus kundi sa pagdadalang-tao.
“Thank God kasi meron Siyang naging surprise for us before Christmas, actually. We’re now so excited to share with you the great news that I’m positive—not coronavirus, but I’m positively pregnant!” pagkumpirma ni Miriam.
“Amidst all the bad news that marked 2020, grabe ‘tong 2020, we wanna end this with a high note, a happy note,” saad naman ni Ardy.
Sa ngayon ay mahigit eight weeks pa lamang ang ipinagbubuntis ng 45-year-old former beauty queen habang ang kanilang panganay ay magda-dalawang taong gulang pa lamang.
Taong 2014 nang ginanap ang kanilang garden wedding at “four years in the making” bago nakabuo noong 2018.
Kung maaalala, naging memorable ang pagiging kinatawan ni Quiambao sa 1999 Miss Universe pageant matapos itong madapa sa gitna ng pagrampa suot ang long gown.
Sa kabila kasi ng nangyari, ay pinalakpakan pa rin siya ng audience at abot kamay ang title sa pamamagitan ng pagiging first runner-up.