Hindi bababa sa 450 PDL ang inilipat kahapon mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City patungo sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Inihayag ni Bureau of Corrections director Gen. Gregorio Catapang Jr. na ang paglipat ay alinsunod sa pagsisikap ng BuCor na i-decongest ang Bilibid at ang CIW.
Ayon sa BuCor, 396 na preso mula sa medium security compound, apat mula sa maximum security compound at 50 mula sa CIW ang ipinadala sa Iwahig.
Mayroon na ngayong mahigit 1,500 preso na inilipat sa Iwahig gayundin sa Sablayan Prison at Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Nasa 150 tauhan ng BuCor ang nag-escort sa mga preso sakay ng isang vessel. Inaasahang makararating sila sa Palawan bukas ng tanghali.
Sa ilalim ng Oplan Lipatan, layunin ng BuCor na ilipat ang mga bilanggo sa iba’t ibang penal farms bilang paghahanda sa pagsasara ng NBP at CIW sa 2028.