BACOLOD CITY – Patuloy ngayon ang pagproproseso ng Department of Tourism (DOT) ng financial assistance para sa tourism workers sa bansa na apektado ng COVID pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, umabot na sa 44,362 na mga workers sa tourism industry sa Western Visayas ang nakatanggap ng one-time P5,000 financial assistance.
Ito ay katumbas ng P221.8 million na halaga ng ayuda na ipinamudmod sa pamamagitan ng COVID-19 Adjustment Measures Program for the Tourism Sector na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.
Sa Negros Occidental naman, umabot na sa P80.7 million ang naimapigay na financial assistance sa 16,149 na mga tourism workers na huminto sa pagtrabaho dahil sa COVID restrictions.
Ang mga establisyemento, organisasyon o indibidwal na nais mag-apply para sa one-time assistance ay dapat na magsumite ng documentary requirements sa DOT regional office para sa initial evaluation.
Kung matapos na aniya ang verification, bibigyan ng instruction ang applicant na kumpletuhin ang online application at hihintay na lang na maipadala sa kanya ang pera.