CENTRAL MINDANAO-Abot na sa 455 na mga dating ekstremistang grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan ang naka benepisyo ng tulong mula sa programang Anak na may GInintuang LAyunin upang Hintuan Ang Violent Extremism Ngayon o AGILA-HAVEN.
Ito ang sinabi ni AGILA-HAVEN Focal Person, Mr. Roger Dionisio sa isinagawang ceremonial presentation ng mga pitong former violent extremists (FVEs) sa Headquarters ng 57th Infantry (Masikap) Battalion sa Brgy. Mirab, Upi, Maguindanao.
Binuo ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ang nasabing programa upang mabigyan ng pagkakataon ang mga FVEs na makapagsimula ng kanilang bagong buhay sa pamamagitan ng financial at livelihood assistance ng pamahalaang panlalawigan.
Kinatigan naman ni Mayor Reynalberto Insular ang naging pahayag ng kinatawan ng gobernadora kung saan ikinagagalak din nito ang naging desisyon ng pito na itakwil na ang armadong pakikibaka.
Ayon sa punong ehekutibo ng South Upi, maging ang kanyang munisipyo, mamamayan at maging siya mismo ay biktima din noon ng nasabing grupo. “Masaya akong makakasama na ninyo ang inyong mga pamilya”, wika pa ni Mayor Insular.
Nabatid na iprenisinta ni Lieutenant Colonel Guillermo Mabute, ang Commanding Officer ng 57IB ang pitong mga FVEs at ang mga isinuko nilang armas kay Major General Roy Galido, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central.
Bukod sa cash assistance at isang sako ng bigas na natanggap ng bawat isa buhat sa LGU ng Upi at sa Provincial Government ng Maguindanao ay sumailalim din ang mga ito sa psychological interventions at iba pa.
Dumalo din sa nasabing programa si Hon. Wilfredo Ibañez, ang vice mayor ng Upi bilang kinatawan ni Mayor Rona Christina Flores; Lt. Col. Edgardo Vilchez, Assistant Chief of Staff for CMO, G7; mga miyembro ng pulisya at iba pa.
Tinawag naman ni MGen. Galido na biktima ng sirkumstansiya ang mga ito. Aniya, walang magandang maidudulot ang pananakit ng kapwa at paggamit ng baril, ito man ay personal na sitwasyon o pag-iisip na gustong ipaglaban. Pinasalamatan din ng Heneral ang mga local government units at iba pang mga stakeholders na kaisa sa layuning magkaroon ng mapayapa at maunlad na Maguindanao.