-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang 46-anyos na ama sa Barangay Lydia sa bayan ng Marcos sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos pagtatagain ang sarili dahil umano sa depresyon.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Leonardo Battulayan, chief investigator ng PNP-Marcos, nakita ng menor de edad na anak ng biktima na inihahampas ng kanyang ama ang hawak nitong itak sa kanyang ulo.

Aniya, tinangka ng menor de edad na awatin ang ginagawa ng kanyang ama subalit kumuha ng kutsilyo ang biktima at pinagtataga ng mahigit anim na beses ang kanyang tiyan.

Dahil dito ay nakipag-agawan ang menor de edad sa kutsilyo na hawak ng kanyang ama subalit nabitawan nito matapos masugatan ang kanyang kamay.

Dinala sa ospital ang biktima subalit hindi na nasalba pa ng mga doktor ang kanyang buhay.

Hinggil dito, sinabi ng asawa at anak ng biktima na posibleng nakakaranas ito ng depresyon dahil may mga pagkakataon na malayo ang tingin at sinasabi umano nito na may bumubulong sa kanya.

Maliban ditoy, napag-alaman pa na may mga pagkakataon na nag-aaway sila ng kanyang asawa dahil sa madalas nitong pag-inom ng alak.