Isiniwalat ng National Task Force for the West Philippine Sea na aabot sa mahigit 40 mga barko ang kanilang namonitor sa kasagsagan ng ikinasang rotation and resupply mission ng tropa ng mga militar sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin shoal.
Ito ang ibinunyag ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the WPS Commo. Jay Tarriela sa kaniyang naging presentasyon sa ginanap na press briefing ng NTF-WPS ngayong araw sa Palasyo ng Malakanyang.
Batay sa datos na inilabas ni Commo. Tarriela, aabot sa kabuuang 46 ang bilang ng mga barko ng China ang kanilang namonitor sa WPS.
Mula sa naturang bilang, aabot sa 36 ang kabuuang bilang ng mga Chinese Maritime Militia vessels na kanilang namonitor kabilang na ang nasa 14 na mga Chinese Maritime Militia vessels na pisikal na namataan ng tropa noong panahon ng naturang resupply mission, habang nasa 22 na naman ang na-monitor via automatic identification system.
Bukod dito ay may na-monitor din silang walong China Coast Guard vessels sa naturang lugar, at dalawa namang barko ng People’s Liberation Army-Navy na bagama’t malayo sa lugar kung nasan ang resupply contingent ay patuloy pa ring isinasaalang-alang ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, nasa pito CCG vessel at anim na CMM vessels ang kanilang nai-dokumentong mayroong direktang pagkakasangkot sa panghaharass sa mga barko ng Pilipinas.
Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeploy ang China ng ganito karaming maritime forces sa nakalipas na mga buwan para lamang sa pigilan ang isinasagawang rotation at resupply mission ng pamahalaan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Kaugnay nito ay iniulat din ni Tarriela na umabot din sa mahigit 100 ang kabuuang bilang ng mga palitan ng mga radio challenges ng mga barko ng Pilipinas at China sa gitna ng naturang tensyon sa kasagsagan ng ng nasabing misyon.
Habang limang mga instances naman ng dangerous maneuvers ng mga barko ng China ang kanilang naitala, at nasa four instances naman ang naitalang ginawa ng mga ito na pangbobomba ng water cannon na kinabibilang ng tatlong beses na pangbobomba ng tubig sa supply vessel na M/L Kalayaan na mayroong limang minutong interval na nadulot naman ng pagkasira ng makina nito.
Paliwanag ni Tarriela, bagama’t ilang beses nang nakakaranas ang mga barko ng Pilipinas ng panghaharass ng China partikular na ng mga pangbobomba ng tubig at mga dangerous maneuvers ay naninindigan pa rin ito na magsagawa hindi gagamitin ng PCG ang mga water cannon ng kanilang mga barko.
“Let me stress the fact that for the Philippine Coast Guard, we believe that the water cannons that are placed on our vessels are intended for us to carry out our duty in combatting our fire at sea. This is not something that we consider as an offensive weapon to damage any other vessel. We believe that if we are going to be consistent with that kind of behavior as a coast guard organization, we don’t need to go down to the level of the Chinese Coast Guard using their water cannon to use it as an offensive weapon and damaging the other vessels. Again, the coast guard organization here in the region has something to do with the maritime safety and with what the China Coast Guard is doing obviously it doesn’t conform with the regional standard of promoting safety.” saad ni Commo. Tarriela.
Samantala, sa kaparehong pulong balitaan naman ay sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na sa ngayon ay mayroon nang binabalangkas na mga bagong taktika ang NTF-WPS para sa mga susunod na RoRe mission sa BRP Sierra Madre na nakatakda naman aniya nilang ilatag kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod nga ng pinakabagong pangbubully ng China sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.
“The NTF-WPS has prepared a new national strategy on the WPS and we have made some adjustment given the recent developments and we hope to be able to present this to the president very soon. So, if the question is will there be adjustments with our movements, yes, as soon as the president approves the national strategy because the president itself is concerned. In his recent statement yesterday he has expressed his deep concern and his commitment to this missions we are undertaking so in consonance to this policy directions the national strategy has been prepared by the NTF-WPS for his appreciation.” paliwanag ni Assistant Director General Malaya.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa naging panayam ng Bombo Radyo Philippines na matinding galit ang kaniyang naramdaman nang personal na masaksihan at maranasan ang naturang pangbobomba ng water cannon at panggigitgit ng China sa mga barko ng Pilipinas sa kaniyang pagbisita sa mga tropa ng militar na nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sakay ng supply vessel na Unaizah Mae 1.