Umabot sa 46 na police personnel ang mga nagpositibo sa isinagawang random drug test.
Ito ay batay sa tala ng Philippine National Police (PNP) mula Enero hanggang Disyembre 18, 2020.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, sa mga pulis na nagpositibo sa illegal drugs, 20 dito ang nanggaling sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kung saan lima ay mga miyembro ng PNP Special Action Force na pawang mga patrolman.
Sinabi ni Sinas, sila ay nagpositibo sa random drug test na ginawa sa training center nitong nakalipas na December 4.
Sumunod sa pinakamarami ang PRO-4A na may walong pulis na nagpositibo.
Tig-apat sa PRO-7 at PRO 11. Habang tatlo naman ang positibo sa paggamit ng iligal na droga sa PRO 4B, dalawa sa PRO9, habang tig-isa sa NHQ, PRO-2, PRO-8, PRO-10 at PRO-BAR.
Nadisarmahan na ang mga pulis at umuusad ang mga kasong administrtibo na isinampa laban sa mga ito.
Pinagpapaliwanag din ni Sinas ang mga opisyal ng SAF kung bakit limang personnel nito na nasa training ay nagpositibo sa illegal drugs.
Sa ngayon balik na sa kanilang mother unit ang limang SAF personnel samantalang gumugulong na ang imbestigasyon laban sa mga ito.