Isang araw bago ang Pasko at siyang unang araw ng screening para sa “magic 10” entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF), inilabas na ang mga nominado.
Kabilang sa mga humakot ng nominasyon na mayroong tig-12 ay ang magkakaibang genre na “Magikland,” (fantasy adventure); horror thriller na “The Missing,” at may touch of drama na “The Boy Foretold By The Stars.”
Labing-isa naman ang nominasyon ng “Tagpuan,” tig-siyam ang “Fan Girl,” “Isa Pang Bahaghari,” at “Suarez: The Healing Priest,” habang walo sa ‘Coming Home,” at naka-dalawa ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim.”
Tanging ang comedy film na “Pakboys: Takusa” ang sinasabing walang nasungkit kahit isang nominasyon.
Sa best actor, apat lamang ang magkakatunggali na sina Jinggoy Estrada (Coming Home) at Alfred Vargas (Tagpuan) na kapwa politiko; Vhong Navarro (Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim), Joseph Marco (The Missing), at Miggs Cuaderno (Magikland).
Sa best actress, showdown sina Nora Aunor (Isa Pang Bahaghari), Ritz Azul (The Missing), Iza Calzado (Tagpuan), Charlie Dizon (Fan Girl), at Sylvia Sanchez (Coming Home).
Kaugnay naman sa idinaos na virtual Parade of Stars kahapon, napiling maglaban sa Best Picture ang “The Boy Foretold By The Stars,” “Fan Girl,” ” The Missing,” “Magikland,” at “Tagpuan.”
Nabtaid na sa pamamagitan lamang din ng online mapapanood ang Gabi ng Parangal o yaong mga mananalo na gaganapin sa darating na Linggo, December 27.
Noong nakaraang taon, big winner ang war drama entry na “Mindanao” matapos humakot ng 11 parangal kabilang ang best float.