Itinuturing pa rin ni Quezon 5th District Representative Alfred Vargas bilang magandang oportunidad ang pagiging cast at producer niya sa pelikulang “Tagpuan” na isa sa “magic 10” entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito’y sa gitna ng napapabalita na hindi umano masyadong tinatangkilik ng mga manonood.
Ayon sa 39-year-old actor politician, hindi ito nagsisisi sa kanyang desisyon kahit pa alam niyang malaking pagsugal ito lalo’t patuloy pa ang coronavirus pandemic sa bansa.
“We joined MMFF knowing that there’s a very big risk of losing our resources, our investments, pero go kami. Why? For the love of filmmaking, for the love of our industry, for the love of acting, ituloy natin,” saad ni Vargas.
Bonus aniya sa Panginoon kung ito ay papatok sa masa, ngunit tanggap din naman sakaling hindi kikita at susubok na lamang muli sa mga susunod na taon.
“Ang sabi ko lang, ‘Lord, sana kahit papaano merong bumalik sa investment enough for me to produce another indie film next year. Kapag umabot sa ganon, masaya na ako, para may seed money lang ulit,” dagdag nito.
Para sa mambabatas, “the show must go on” at naniniwala ang kanyang buong team na ang kanilang magandang pelikula ay tatangkalikin kahit matapos na ang MMFF.
Katunayan ay hindi naman daw niya pinangarap na maging box-office na producer, bagkus, nais lang makapagbigay sa publiko ng kakaibang tema ng pelikula.
Nabatid na pumapangalawa ang kanilang drama entry na “Tagpuan” sa may pinakamaraming nominasyon na umabot sa 11, ngunit ilan lamang ang nasungkit kabilang ang 3rd Best Picture at Best Supporting Actress para kay Shaina Magdayao.
Patungkol ito sa tatlong tao na pawang naghanap ng pangalawang pagkakataon sa buhay at pag-ibig.
Si Vargas na isa sa principal authors ng Department of Disaster Resilience Bill, ay kabilang sa mga tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa korupsyon pero walang matibay na ebidensya.
Sa panig ng actor politician, tiwala siyang malilinis nito ang kanyang pangalan lalo’t malinis ang kanyang konsensya at hindi basta masisira ng mga katunggali niya sa politika ang 12 taong niyang serbisyo sa publiko.
“I am certain that I will be cleared. I am ready to submit myself to an investigation by the proper authority. Mere allegation is not proof,” bahagi ng kanyang statement.