-- Advertisements --

Kanya-kanyang hikayat ang mga artistang tampok sa “magic 10” entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF), na suportahan ang pelikulang Pinoy.

Ito’y ilang oras bago ang taunang Gabi ng Parangal ngunit idaraos ngayong taon sa pamamagitan lamang ng virtual o online bunsod ng coronavirus pandemic.

Una nang naiulat na humakot ng nominasyon na mayroong tig-12 ay ang magkakaibang genre na “Magikland,” (fantasy adventure); horror thriller na “The Missing,” at may touch of drama na “The Boy Foretold By The Stars.”

Labing-isa naman ang nominasyon ng “Tagpuan,” tig-siyam ang “Fan Girl,” “Isa Pang Bahaghari,” at “Suarez: The Healing Priest,” habang walo sa ‘Coming Home,” at naka-dalawa ang “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim.”

Tanging ang comedy film na “Pakboys: Takusa” ang sinasabing walang nasungkit kahit isang nominasyon.

Sa best actor, apat lamang ang magkakatunggali na sina Jinggoy Estrada (Coming Home) at Alfred Vargas (Tagpuan) na kapwa politiko; Vhong Navarro (Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim), Joseph Marco (The Missing), at Miggs Cuaderno (Magikland).

Sa best actress, showdown sina Nora Aunor (Isa Pang Bahaghari), Ritz Azul (The Missing), Iza Calzado (Tagpuan), Charlie Dizon (Fan Girl), at Sylvia Sanchez (Coming Home).

Napili namang maglaban sa Best Picture ang “The Boy Foretold By The Stars,” “Fan Girl,” ” The Missing,” “Magikland,” at “Tagpuan.”

Nabatid na virtual lamang din mapapanood ang MMFF entries hanggang sa January 7, 2021.

Nitong December 23 ay via online din ang Parade of Stars kung saan din ibabase ang mapipili sa Best Float.

Noong nakaraang taon, big winner ang war drama entry na “Mindanao” matapos humakot ng 11 parangal kabilang ang best float.