-- Advertisements --

Hindi kinaya ng Boston Celtics ang mala-halimaw na laro ni Jimmy Butler dahilan para mapuwersa ng Miami Heat ang serye sa Game 7 sa Eastern Conference finals.

Nagbuhos ng 47 points si Butler para ibigay sa Miami ang panalo sa Game 6, 111-103.

Sa akala ng marami ay tatapusin na ng Celtics ang best-of-seven series pero ang hindi akalain ay ang pagdomina ni Butler mula first half hanggang sa second half kung saan sa fourth quarter ay nagpakawala pa siya ng 17 puntos.

Ang 47 points ni Butler ay kanyang career playoff high at isa sa itinuturing na best performances ng isang player sa NBA history na ang isang team ay namemeligro sa elimination.

jimmy butler 3 miami
Jimmy Butler (photo from @MiamiHEAT)

Ang ginawa ni Butler na meron ding apat na 3-point shots at walang paltos sa 11 free throws ay nagpabalik tanaw sa 10 taon na ang nakakalipas na ginawa rin ni LeBron James sa Miami nang magtala ng 45 points sa Game 6 sa Boston noon na naging hudyat sa pagkuha nila ng back-to-back NBA titles.

Si Kyle Lowry na nagpakita ng 18 points at 10 assists ay hindi makapaniwala sa spectacular performance ni Butler.

“It’s incredible to have a guy like him next to me,” ani Lowry na dati na ring nagkampeon noon sa Raptors. “I’ve played with some great players and he’s one of the best.”

Kung sakaling manalo pa sa Lunes ang Heat sa kanilang teritoryo, ito na ang ikalawang pagkakataon na aapak sila sa Finals sa loob ng huling tatlong taon at haharapin ang nag-aantay na Warriors.

Para naman sa Celtics, nasayang ang ginawa ni Jayson Tatum sa kanyang 30 points at nine rebounds, habang si Derrick White na nagmula sa bench ay nag-ambag ng 11 mula sa kanyang 22 points sa fourth quarter.

Si Jaylen Brown naman ay nagtapos sa 20 points pero sumablay ang kanyang dalawang free throws sa kasagsagan ng pagtabla sa 99, may ilang minuto ang nalalabi sa game.

Hinahangad ngayon ng Celtics na makuha muli ang kampeonato tulad ng ginawa nang pinagsamang puwersa ng Big Three noon na sina Kevin Garnett, Paul Pierce at Ray Allen nang masungkit ang ika-17 titulo.

Samantala, ang Miami guard at Sixth Man of the Year na si Tyler Herro ay nasa ikatlong sunod na game na hindi pa rin nakakalaro dahil sa strained groin.