-- Advertisements --

Pinapauwi na ang karamihan sa mga pasyente na sumailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test na isinagawa sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).

Sinabi pa ni Jaime Bernadas, direktor ng Department of Health sa Central Visayas (DOH -7), na idinischarge ang mga ito matapos magnegatibo sa virus.

Una rito, nagsimulang magsagawa ng COVID-19 test sa VSMMC noong Biyernes, Marso 19.

Kinilala ang VSMMC bilang isang sub-national level laboratory na may kakayahang magsagawa ng laboratory tests na makadetect ng impeksyon sa sakit para sa Visayas area.

Sa pilot batch nito, 47 ang negatibo sa 50 pasyente.

Ipinadala naman sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ang natitirang tatlo para sa karagdagang confirmatory tests.

Sa naunang press conference, sinabi ni Bernadas na kailangan pa nila ang opisyal na opinyon ng RITM sa mga resulta na ginawa sa VSMMC dahil ito’y isa pang pilot test at may mga katanungan pa na nangangailangan ng mga sagot mula sa eksperto.