-- Advertisements --

Inalis ng Food and Drug Administration (FDA) ang 48 online posts ng mga hindi awtorisadong pagbebenta ng Molnupiravir.

Sinabi ni FDA Deputy Director General at officer-in-charge Oscar Gutierrez na mayroong siyam na brands ng Molnupiravir na ibinebenta online tulad ng Molnarz, Movfor, Moluzen, Molenzanir, Molmed, Mpirarvir, Zero Vir, Molnuvid, at Movir.

Ang naturang ilegal gawain aniya ay paglabag sa RA 9711 ng FDA dahil hindi ito mga rehistradong produkto.

Nakasaad kasi sa nasabing batas na mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa, pag-aangkat, pamamahagi, pag-export, pagbebenta, pag-aalok para ibenta, paglilipat, promotion, at advertising o sponsorship ng mga produktong pangkalusugan ng walang wastong pahintulot ng FDA.

Mahaharap naman sa pagkakakulong sa loob ng hanggang sampung taon o pagmumultahin ng P50,000 hanggang P5 million ang sinumang masusumpungan na lumalabag dito.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga may-ari ng platforms at maging sa mga botika upang maipatanggal na ang lahat ng listings ng nasabing gamot.

Magugunita na noong Pebrero ay iniulat din ng FDA na nasa kabuuang 371 online posts na nagbebenta ng mga medisina ang tinanggal habang nasa 78 mga tindahan naman ang napag-alamang nagbebenta ng mga gamot na labag pa rin sa nasabing batas.