TACLOBAN CITY – Nasa ligtas na ngayon ang kalagayan ng aabot sa 48 mga pasahero matapos na lumubog ang isang passenger boat sa karagatang bahagi ng Calbayog, Samar dakong ala-1:00 nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Lt. Jr. Grade Grade Wilky Saga ng Philippine Coast Guard, galing ang motorbanca na MV Miar Romsis sa Calbayog, Samar at papunta sana sa isla ng Tagapul-an nang hampasin ito nang malalakas na alon dala na rin ng malakas na hangin.
Dahil sa lakas ng hampas ng alon ay nabutas ang naturang sasakyan pandagat at napasukan ito ng tubig dahilan ng paglubog nito.
Binigyang diin ni Saga na hindi overloaded ang naturang sasakyan pandagat.
Wala namang naitalang casualties o missing dahil kaagad na nagresponde ang mga otoridad.
Patuloy naman ang paghatak papuntang pampang sa naturang sasakyan dahil sa pangambang pagkakaroon ng oil spill.