CEBU CITY – Kasalukuyang nagpapagaling sa isolation facility ang 49 construction workers matapos nagpositibo ang mga ito sa COVID-19.
Inihayag ni Konsehal Joel Garganera, deputy chief implementor ng Emergency Operations Center na nagmula ang mga ito sa isang construction site sa boundary ng Brgy. Lahug at Brgy. Apas nitong lungsod ng Cebu.
Natuklasan ito nang isinagawa ang contact tracing matapos nagpositibo sa Rapid Antigen test ang isa sa mga ito sa kanilang regular testing noong nakaraang linggo.
Sa nasabing bilang, 46 nito ay residente nitong lungsod, 2 sa Mandaue City, at 1 sa Toledo City ngunit kabilang ang mga ito sa iisang shift at iisa lang ang tinitirhan.
Pinaalalahanan naman ni Garganera ang publiko lalo na ang lahat ng mga construction firms sa lungsod na mahigpit na ipatupad ang mga health protocols upang maiwasang magkahawaan sa nakamamatay sa virus.