Patay ang nasa 49 katao habang 140 iba pa ang nawawala matapos na tumaob ang sinakyan nilang bangka sa karagatang bahagi ng Yemen.
Pawang mga migrants at refugee ang sakay ng bangka na galing sa Africa.
Ayon sa United Nations’ International Organization for Migration (IOM), na mayroong kabuuang 260 katao ang sakay ng bangka kung saan karamihan sa mga ito ay mula sa Ethiopia at Somalia.
Dumaan ang mga ito sa Gulf of Aden at pagdating sa bahagi ng Yemen ay doon nangyari ang aksidente.
Nailigtas nila ang 71 katao kung saan walo sa mga dito ay dinala na sa pagamutan.
Kabilang sa mga nasawi ay anim na bata at 31 na babae.
Dahil sa insidente ay nanawagan si IOM spokesperson Mohammedali Abunajela na dapat gumawa ng hakbang ang mga bansa para matugunan ang usapin ng kaligtasan ng mga migrants.