-- Advertisements --
image 475

Magtatalaga ng humigit-kumulang kalahating milyong guro at tauhan ang Department of Education para magsilbi sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Ito ay bilang bahagi ng pangako nitong titiyakin nila ang maayos na pagsasagawa ng eleksyon.

Matatandaan na kamakailan ay sumali ang DepEd sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa isang Multi-agency Send-off and Turnover Ceremony para ipakita ang government forces at resources na ipapakalat para sa 2023 BSKE.

Para sa darating na halalan, sinabi ng DepEd na magde-deploy ito ng 494,662. Sa bilang na ito, 382,793 ang magsisilbing Electoral Board; 25,196 ang magsisilbing DESO; 68,873 ang magsisilbing BBOCs; at 17,800 ang magsisilbi sa iba pang mga kapasidad tulad ng mga substitutes, support staff, at poll clerks.

Sa pamamagitan ng pagtatatag ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election Task Force (BSK-ETF) sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 63 s. 2023, nangako ang ahensya na magbibigay ng sapat na impormasyon at tulong teknikal at legal sa mga guro at non-teaching personnel sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa Oktubre 30.

Nauna na ring lumagda ang DepEd ng Memorandum of Agreement (MOA) sa COMELEC at Public Attorney’s Office (PAO) para protektahan ang mga guro mula sa maraming paglabag sa halalan at/o administratibong reklamo.

Bukod dito, nagsagawa rin ng nationwide orientation at training ang DepEd upang matiyak na alam ng mga miyembro ng task force ang pamamaraan sa pagsasagawa ng halalan.

Sinabi ng DepEd na saklaw ng pagsasanay ang impormasyon sa pagboto sa mall, maagang pagboto para sa mga senior citizen at persons with disabilities, mga pamamaraan ng halalan bago, habang, at pagkatapos, at iba pang election concerns.