Bumuo na ng Board of Inquiry (BOI) ang pamunuan ng 4th Infantry Division (ID), Philippine Army kaugnay sa nangyaring pag-atake sa isang detachment sa New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur at ang pagdukot sa dalawang sundalo at 12 CAFGU noong Miyerkules ng madaling araw.
Ayon kay 4ID Commander MGen. Ronald Villanueva, aalamin sa naturang imbestigasyon kung nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng militar na humantong sa naturang insidente.
Tiniyak naman ni Villanueva na mapaparasuhan ang sinumang sundalo na mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang tungkulin.
Magugunitang una nang itinaas ang alerto ng militar kaugnay ng inaasahang pagsalakay ng NPA sa pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo.
Ipinaalala naman ni Villanueva sa NPA na ang kanilang mga binihag na mga sundalo ay protektado ng International Humanitarian Law (IHL).
Ibig sabihin, kailangang ipaalam ng mga bandido sa mga pamilya ng kanilang mga bihag ang kalagayan at lokasyon ng mga ito, at pahintulutan ang mga bihag na makontak ang kanilang pamilya.