-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa apat na Sitio ng Barangay Salacafe sa bayan ng Tboli, South Cotabato ang tinamaan ng influenza-like illness kung saan umabot sa isandaan at dalawampung (120) pamilya ang apektado.

Ito ang inihayag ni Mayor Keo Dayle Tuan ng Tboli. South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Tuan, ang mahigit isandaang mga pamilya ay nagmula sa mga malalayong Sitio ng Barangay Salacafe na kinabibilangan ng Sitio Tahikong, Blo,Syumbolol at Datal Bong.

Dagdag pa ng alkalde, halos lahat ng mga pasyente ay nakaranas ng mataas na lagnat, ubo, pagtatae o LBM at anti-fungal infections.

Karamihan naman sa mga pasyente ay mga bata kung saan nasa 2 buwang sanggol ang pinakabatang nakaranas ng sakit.

Aminado ang alkalde na malayo sa población area ang mga Sitio na apektado kaya’t pahirapan din ang pagdala sa ospital ng mga nagkasakit.

Kaya’t agad na nagsagawa ng medical intervention and Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang Municipal Health Office upang matingnan at ma-assess ang kondisyon ng mga pasyente.

Namigay din sila ng mga relief packs gaya ng pagkain, mga gamot, oral rehydration solution, ointment, hygiene kits at maging vitamins para sa mga bata.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang monitoring ng Tboli LGU sa mga apektadong pamilya upang hindi na madagdagan pa ang mga nagkakasakit.

Matatandaan na noong nakaraang lingo lamang idineklara ang influenza outbreak sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato na karatig bayan lamang ng Tboli kung saan nasa higit 200 mga pamilya ang apektado.