Kwalipikado na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na maging miyembro ng Social Security System (SSS).
Ito ay kasunod ng paglagda ng SSS at Department of Social Welfare and Development sa isang memorandum of agreement para mapagbuti pa ang social protection ng 4Ps beneficiaries.
Inaasahang magbebenipisyo ito sa 4.4 milyong benepisyaryo para maging miyembro ng SSS.
Sa ilalim ng kasunduan, lilikha ang SSS ng AlkanSSSya Program na ginawa para sa mga 4Ps na magsisilbing micro-savings plan para sa self-employed individuals na may hindi pareho ang arawang kita, katulad ng tricycle drivers, market vendors, mga magsasaka, mangingisda at iba pang mga manggagawa sa informal sector.
Plano din ng SSS na bumalangkas ng special SSS contribution table para sa 4Ps para umakma sa kanilang kapasidad na magbayad ng kanilang kontribusyon.
Samantala, nilinaw naman ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na boluntaryo ang kontribusyon ng 4Ps sa SSS dahil hindi aniya maaaring gamitin ang kanilang cash grants para ipambayad sa kanilang SSS contributions dahil nakalaan lamang ito para sa health, education at rice subsidy.