-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Huli sa buy-bust operation ang isang drug pusher at high value individual ng Tabuk City, Kalinga nitong Biyernes ng hapon.

Nakilala ang suspek na si Jovielyn Paclay Bayog, 33-anyos, dalaga at residente ng Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Base sa report ng pulisya, ibinenta ni Paclay ang 15 pinaniniwalaang marijuana bricks sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.

Aabot sa 15 kilo ang mga kontrabando na naghahalaga ng P1.8-milyon.

Nakumpiska mula kay Bayog ang isang cellphone habang narekober sa kanya ang nagamit na buy-bust money.

Ayon sa pulisya, si Bayog ay benipisaryo ng 4Ps at miyembro ng dating Cordillera People’s Liberation Army.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng supplier ng marijuana ng dalaga habang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.