KALIBO, Aklan—Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa lalawigan ng Aklan sa natanggap na ayudang bigas mula sa pamahalaan na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nanguna sa distribusyon nitong hapon sa ABL Sports and Cultural Complex.
Nasa 1,000 pamilya ang nakatanggap ng tig-isang sakong bigas na 25 kilos na pawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Bago ang distribution ay nagkaroon muna ng registration.
Sa talumpati ng punong ehekutibo, iginiit niya ang kahalagahan ng sapat na supply ng pagkain sa hapag ng bawat pamilya kung saan, sinisikap aniya ng kaniyang administrasyon na pababain ang presyo ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura.
Maliban dito, pinaparami din aniya ang produksyon ng palay at makatiyak ang mga magsasaka na alalayan sila ng pamahalaan sa mga makinarya at iba pang mga kailangan sa kanilang pagsasaka.
Nabatid na ang mga ipinamahaging bigas ay mula sa 42,180 na sako nakumpiska ng Bureau of Customs sa isinagawang inspeksyon sa isang warehouse sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City kamakailan lamang kung saan, wala itong kaukulang mga dokumento upang maibenta na nagkakahalaga ng P42 bilyon.
Maliban dito, namahagi din si Pangulong Marcos ng mga gamit sa pangisda at makinarya sa pagtatanim na isinagawa sa Tangalan Sports and Cultural Center sa bayan ng Tangalan, Aklan.
Sa kabilang dako, binigyan din ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang organisasyon sa Aklan ng seed fund na nagkakahalaga ng P600,000 bilang panimula ng capital sa sustainable livelihood program association na inorganisa ng ahensiya.
Ayon kay Assistant Regional Director for Operations Arwin Razo ng DSWD Region VI, isa aniya sa nabigyan ay ang grupo ng Tricycle Operators and Drivers Association sa bayan ng Kalibo at organisasyon na nag-nenegosyo ng agricultural supply sa bayan ng Nabas sa Aklan.
Nabatid na pumunta rin si Pangulong Marcos sa lalawigan ng Antique sa San Jose de Buenavista at sa Roxas City, Capiz para sa kaparehong aktibidad.
Inihayag na mismong si Pangulong Marcos ang tumukoy ng mga probinsiya sa Western Visayas na kaniyang pamahagian ng bigas.