Inirekomenda ng isang vaccine expert ang bakunahan pa ng 4th dose ang mga kababayan nating senior citizen at immunocompromised.
Ito ay sa kadahilanang hindi pa rin daw kasi sapat bilang proteksyon para sa mga nasabing indibidwal ang dalawang doses ng COVID-19 vaccine lalo na sa panahon ngayon na may napapabalitang paglitaw ng mga bagong variant ng nakamamatay na virus sa labas ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Vaccine Expert Panel chairperson Dr. Nina Gloriani na mas masisiguro aniya ang mas mataas na proteksyon ng isang tao laban sa nasabing virus pagkatapos na mabakunahan ito ng third dose o first booster shot, habang kinakailangan naman daw na maturukan pa ng ika-apat dose ang mga indibidwal na immunocompromised at senior citizen.
Hindi daw kasi sasapat ang primary doses ng mga bakuna laban sa nasabing sakit lalo na sa mga bagong variants nito.
Magugunita na inilunsad ng pamahalaan ang nationwide vaccination drives sa bansa upang pabilisin pa ang pagbabakuna sa mga senior citizen.
Sa datos nitong Lunes, 6.57 milyon sa 8.8 milyong matatanda ang ganap na nabakunahan, ayon pa sa Malacanang.