-- Advertisements --

Iniulat ngayon National Vaccination Operations Center (NVOC) na gagawin sa buwan ng Abril o Mayo ang roll out ng pang-apat na dose ng COVID-19 vaccines.

Ito ay kapag naaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA).

Iniulat ni NVOC chairperson and Health Undersecretary Myrna Cabotaje na nag-propose na ang DOH ng EUA para sa approval ng FDA.

Aniya, kapag naaprubahan ang kanilang proposal isasalang na nila ang mga guidelines.

Sinabi ni Cabotaje na ang pang-apat na doses ng mga bakuna sa COVID-19 ay isinasaalang-alang para sa mga katamtaman at malubhang immunocompromised gayundin sa mga indibidwal na itinuturing na vulnerable.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Miyerkules na batay sa inisyal na rekomendasyon mula sa Vaccine Expert Panel, ang DOH ay nagsumite ng aplikasyon sa FDA para sa pag-amyenda sa COVID-19 vaccines na EUA upang isama ang pang-apat na dosis para sa mga senior citizen at immunocompromised na indibidwal.

Sinabi ni Cabotaje naman na ang isang panukala ay magkaroon ng apat na buwang pagitan sa pagitan ng ikatlong dosis at ikaapat na doses ng bakuna sa COVID-19, ngunit ito ay magdedepende pa rin sa mga development sa COVID-19, mga surge, at mga variant.

Idinagdag niya na pag-aaralan ng FDA kung anong mga brand ang gagamitin para sa ika-apat na shot, ngunit inamin na ang mga tao ay maaaring mas hilig na pumili ng tatak na kapareho ng kanilang booster shot o ikatlong doses.

Gayunpaman, sinabi ni Cabotaje na “maaaring may mga kumbinasyon na maaaring pahintulutan.”