Muntik nang umabot sa podium finish ang pambato ng Pilipinas sa artistic gymnastics na si Carlo “Caloy” Yulo matapos na pumuwesto sa pang-apat sa finals ng vault apparatus category sa nagpapatuloy na Tokyo Olympics.
Una nang umusad ang walong mga atleta sa finals at siya ay pang-anim.
Sa kabuuang score sa finals nakuha ni Carlos ang 14.716.
Tinanghal na kampeon si Jeahwan Shin ng South Korea na may 14.783.
Ang silver medal ay napunta naman kay Denis Abliazin ng Russia, habang ang bronze ay nasungkit ni Artur Davtyan ng Armenia na may 14.733 score.
Kung tutuusin ang second vault ni Caloy na 14.866 ay ang highest sa buong event, pero ang una niyang pagsalang na nagkamali siya sa landing ang humatak sa floor exercises world champion na bumaba ang score.
Ilang minuto bago ang event ay nag-post pa ng message sa kanyang Twitter si Yulo.
“All set for vault finals Flag of Philippines Win or lose I’m still honored to represent the Philippines. #LabanPilipinas”
Samantala, marami namang mga kababayan ang nagpaabot nang pagbati kay Yulo na nakipagharapan ng husto sa mga world class athletes.
Maging ang Tokyo Olympic official Twitter account ay binati rin ito lalo na at napakabata pa nito sa edad na 21-anyos.
“Carlos Yulo, remember the name. At just 21, he’s vying to become #PHI’s first to wear #ArtisticGymnastics Olympic gold at #Tokyo2020. With nearly 100 years without a gymnastics champion at the Games, he could be the one to give to them. #StrongerTogether”