![SJDM](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/02/SJDM.jpg)
Matagumpay ang isinagawang public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments na nagsusulong na amyendahan ang saligang batas.
Ang pampublikong konsultasyon ay ginanap kahapon sa Convention Center ng siyudad sa Barangay Sapang Palay Proper, San Jose Del Monte City, probinsiya ng Bulacan.
Nasa mahigit 700 participants mula sa ibat ibang sektor ang dumalo sa public consultation na pinangunahan ni San Jose Del Monte Lone District Representative Florida “Rida” Robes at ng kaniyang asawa na si Mayor Arthur Robes.
Ayon kay Rep. Robes, na siyang chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na mahalaga ang konsultasyon ng sa gayon makuha at marinig ang pananaw at opinyon ng ating mga kababayan hinggil sa panukalang amyendahan ang 1987 Constitution.
Sinabi ni Robes, ilan sa mga probisyon sa ating saligang batas ay matagal na at hindi na “attuned” sa kasalukuyang panahon.
“Kailangan natin ito upang masigurado na ang inaamyendahang Konstitusyon ay matibay. Tatlumpu’t anim na taon na ang nakalilipas at marami na ang nagbago at maraming dapat ayusin,” pahayag ni Rep. Robes.
Punto ng mambabatas na layon ng pampublikong konsultasyon ay malaman ang saloobin ng nakararami kung dapat nga bang magkaroon ng repormang konstitusyunal at sa kung anumang pamamaraan gagawin ang reporma at ano ang mga iminumungkahing reporma.
Kabilang sa isinusulong ay ang repormang makapagpapabuti sa ekonomiya ng bansa kagaya ng pagluwag sa investment barriers.
Si Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divine Yu, vice chair ng House Committee on Constitutional Amendments ang siyang nag preside sa public consultation sa San Jose Del Monte City.
Ito na ang ika-apat na out-of-town consultation na isinagawa ng panel matapos isagawa sa Cagayan de Oro City, Iloilo City, at San Fernando City sa Pampanga.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Congresswoman Yu na sa pamamagitan ng serye ng mga pampublikong konsultasyon, masusukat ng Kamara ang sentimiyento ng publiko sa mga sumusunod na aspeto: kung kailangan o hindi na amyendahan ang Konstitusyon; kung oo, ang gustong paraan ng pag-amyenda; at anong mga partikular na ammendments ang gusto nilang ipanukala.
Sinabi naman ni dating National Security Adviser Clarita Carlos, isa sa mga panelist, na kailangang baguhin ang batayang batas ng bansa.
Ayon kay Carlos, nag-iba na ang sistema ng paniniwala, nag-iba na ang geopolitics, nag-iba na rin ang istruktura ng ating pulitika, at nag-iba na rin ang ating mga layunin bilang isang bansa.
Punto ni Carlos na ang Konstitusyon ay hindi gaanong itinapon ngunit bukas sa pagbabago upang ito ay manatiling abreast sa mga bagong pag-unlad.
Ayon naman kay House Assistant Majority Leader at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez na ang mga pag-amyenda sa 36-taong-gulang na Charter, partikular na ang mga mahigpit na probisyon sa ekonomiya nito, ay “urgent at overdue.”
Samantala, ipinakita naman ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang masamang epekto ng mga mahigpit na probisyon ng konstitusyon sa buhay ng mga Pilipino at ang mga posibleng benepisyo sa paggawa ng mga probisyong ito nang mas bukas.
Dumalo rin sa konsultasyon sina Rep. Rossana “Ria” Vergara ng Nueva Ecija 3rd District, Danny Domingo ng Bulacan 1st District, Loreto Amante ng Laguna 3rd District, Zaldy Villa ng Siquijor, at JC Abalos ng 4Ps Partylist; Bulacan Vice Governor Alex Castro; at dating ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.