DAVAO CITY – Nagsilabasan ang ilang mga residente sa kanilang mga bahay matapos na muling niyanig ang Davao region ng magnitude 5.3 na lindol kaninang alas-4:18 ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), may lalim na siyam na kilometro ang lindol kung saan ang sentro nito ay ang silangang bahagi ng Padada, Davao del Sur na una na ring niyanig ng magnitude 6.9 na lindol nitong nakalipas na Linggo nakaraang araw.
Naitala ang Intensity V sa Digos City at Intensity IV ang General Santos City.
Agad na nilinaw ng Phivolcs na wala umanong aasahan na pinsala ngunit may mararanasan pa rin na mga aftershocks.
Hindi naman inalintana ng mga dumalo sa simbang gabi ang nasabing pagyanig bagkus ay patuloy pa rin sa kanilang debosyon na pagdarasal.
Samantala sinabi naman ni Mayor Pedro Caminero ng Padada, Davao del Sur na doble ang suliranin ngayon ng lalawigan matapos ang malakas na lindol.
Ito ay dahil nauna na silang nagdeklara ng state of calamity noong buwan ng Oktubre dahil na rin sa sunod-sunod na pagyanig na nagdulot din ng pinsala.
Karamihan umano sa mga residente ay takot ng bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa patuloy na mga aftershocks.