Lumabas na ang resulta ng ballistic examination na ginawa ng Philippine National Police Crime Laboratorary sa mga bala na tumapos kay Los Banos, Laguna Mayor Caesar Perez.
Ayon kay B/Gen. Steve Ludan, hepe ng Crime lab, base sa metallic jacket fragment sa autopsy, mga bala ng 5.56 caliber ang kanilang narekober.
Agad umanong inencode ang mga bala sa kanilang Firearm Identification System (FIS) para matignan kung may tutugma dito sa kanilang data base, pero wala namang tumugma dito.
Una nang sinabi ng Police Regional Office 4-A na special bullet ang ginamit sa pagpatay kay Perez.
Nahirapan kasi silang tukuyin kung ano ito dahil malinis ang pagkakatrabaho.
Ayon sa Police Regional Office 4-A, sa kanilang sketch base sa testimonya ng tatlong testigo, lumalabas na 26 metro ang posibleng layo ng shopter.
Maari umano itong nagtago sa bakod dahil sa bullet hole na kanilang nakuha.
Dagdag pa ni Ludan, mataas ang posibilidad na hindi rehistrado ang armas o maaaring isa itong loose firearms.