(Update) Nagdulot ng dobleng kaba sa mga residente sa Chiba at Tokyo areas ang pagtama ng magnitude 5.7 earthquake, habang nanalasa rin ang malakas na bagyong Hagibis.
Ayon sa Japan Meteorological Agency naitala ang lindol sa Kanto region dakong alas-6:22 ng gabi (5:22 PH time) kung saan nai-record ang intensity 4 sa southern Chiba Prefecture habang intensity 3 naman sa ilang bahagi ng central Tokyo.
Ang epicenter ay natukoy din sa Chiba Prefecture.
Wala namang inilabas na tsunami warning ang mga ahensiya ng Japan.
Iniulat din ni Robspierre Bolivar ang deputy chief of mission ng Philippine Embassy sa Tokyo, hindi naman daw kalakasan ang lindol dahil tumama ito sa offshore o hindi sa kalupaan ang sentro.
Sinabi pa ni Bolivar, wala namang damage na idinulot ang paglindol.
Kaya naman wala rin daw dapat ipangamba ang mga kamag-anak sa Pilipinas ng mga OFW dahil handa ang Japan sa ganitong mga pangyayari.
Samantala, nag-landfall na rin ang sentro ng bagyong Hagibis sa Shizuoka Prefecture sa Izu Peninsula bago mag-alas-7:00 ng gabi oras sa Japan.
Ayon sa mga eksperto, record-breaking ang dalang ulan ng bagyo, kasama ang malalakas na hangin na nagdulot ng matinding mga pagbaha sa mga lugar ng central hanggang northern Japan.
Bago ang pagdating ng sentro ng bagyo ay inilagay ang level 5 special warning ng Japan bilang pinakamataas na inisyu ng Japan Meteorological Agency.
Ang pinakamataas na babala ay batay sa five-step scale ng ahensiya.
Ang iba pang mga probinsiya na apektado ng mga pagbaha ay ang Kanagawa Prefecture, Tokyo, Saitama Prefecture, Gunma Prefecture, Yamanashi Prefecture at Nagano Prefecture.