Pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources(DENR) ang limang mga agila sa kanilang natural habitat sa Zamboanga Region.
Ang mga naturang agila ay binubuo ng tatlong Philippine Serpent Eagle at dalawang Brahminy Kite Eagle.
Isinagawa ang pagpapakawala sa kanila mula sa kabundukan ng Barangay Palomoc, Titay sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Ayon sa DENR, naunang nasagip ang mga ito mula sa mga probinsya ng Zamboanga Del Sur at Zamboanga Sibugay, at nai-turn over sa pangangalaga ng ahensiya.
Kasabay ng pagpapakawala sa mga naturang ibon, umapela naman ang ahensiya sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga community o provincial environment offices ang mga namamataang nagkakasakit na hayop o mga ibon.
Nagpasalamat rin ang ahensiya sa mga tumutulong na masagip ang ibat ibang uri ng mga hayop, upang matulungan at maibalik muli sa kanilang natural na tahanan.